For the nth Time
Sunday, June 29, 2008
LAOT
Alinsunod sa desisyon ng iba ang aking kapalaran. Alisunod sa agos ng mundong aking kinagagalawan.
Minsa'y ninais kong maglakbay dagat at sisirin ang kalagitnaan nito. Subalit sa t'wing sinasagwan ang bangkang siyang lulan ay tila may matinding pwersang humihila sa akin pabalik ng pampang habang. Naisin ko mang ulit-ulitin ang pagsasagwa'y patuloy pa rin akong ibinabalik sa aking pinanggalingan. Nakapagtatakang isipin kung paano nakakarating ang ibang mga manlalakbay o mangingisdang tulad ko sa nais nilang paroonan, at nakamamanghang isipin na sa kabila ng pagsubok na tinatahak ko sa paglalakba'y nakakabalik pa rin sila bago mag bukang liwayway. Hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit at pagkayamot tuwing nakikita silang nagiimbak ng mga isda sa mga kaban ng mga tindera. Kasabay din nito ang pangingilid ng luha sa tuwing naalala ang masalimuot kong kapalaran.
Nang minsan akong naglakad sa dalampasigan upang magpahangin at makapag-muni'y tumambad sa aking isipan ang pagsuko sa siyang pinakamimithi, ang pumalaot upang makapaglakbay o makapangisda man lamang. Palibhasa'y mag-isa lang akong pumapalaot ay kakaunti lamang ang nakapapansin at malimit na walang tumutulong sa akin sa paglalayag. Hindi ko na nga alam kung tunay pa ba ang pag-agos ng alon sa laot. Nagpatuloy ako sa paglalakad nang bigla akong makaramdam ng malamig na pagtulo ng luha. Ang pagdampi ng hangin sa aking mukha ang siyang nagpapatuyo sa naghahabulang luhang kanina lang ay nakikipaglaro ng taguan. Dito ko lang napagtanto na maaring hindi na ko makakarating sa pinakaasam-asam na bahagi ng karagatang kakikitaan ng bangis. May pag-asa pa kayang matupad ang mga hinaing? Mapapansin pa kaya ko ng mga taong dumadaan?
Pinunasan ko ang mukhang natuyuan ng luha't padausdos na tumakbo pauwi ng bahay.
Written by yours truly, 09/22/2006
Labels: no labels for now